May paniniwala ako subalit hindi
ako deboto na sagradong Katoliko. Hindi rin ako ‘yung tipong kumakausap sa mga
tao na tangan ang bibliya at tila ba nagsesermon na pastor. Subalit sa
araw-araw na nagigising ako mula sa mahimbing kong pagkakatulog eh alam ko kung
paano ihiwalay ang tama sa mali sa perspektibong naaayon sa makabagong panahon.
Sa isang balita ngayon eh
sobra kong naalala ang mga eksena sa sinakulo. Habang ang lahat ng mga tao ay
nakamasid sa entablado eh isang tanong ang ipinaabot ni Ponsyo Pilato. “Ano ang
nais niyong gawin ko?” Ang mga tao naman ay buong lakas na nagwikang, “Pakawalan
si Barabas at ipako sa Krus si Kristo.”
Nag-trend pa sa Twitter ang
hashtag na #FreeCarlosCeldran, and tanong ko sa mga tao eh “teka, bakit ganun?”
Sa isang sagradong pagtitipon
sa simbahan eh nanghimasok siya tangan ang plakang may nakasulat na ‘Damaso’,
patungkol sa mga pari, sabay sigaw na “Huwag kayong mangialam sa pulitika.” Sa naturang
pagtitipon ay labis na ikinagulat ng mga panauhin ang eksena.
Biglang dinala si Celdran
palabas sa simbahan at kinasuhan ng pambabastos sa relihiyon. Nitong nakaraan
eh hinatulan siya na may kasalanan at nararapat na makulong ng mahigit isang
taon.
Sa mga nagsasabing
#FreeCarlosCeldran, ang hatol daw ay tumapak sa kalayaang magpahayag ng mga
Pilipino na labis na ipinagtatanggol ng konstitusyon. Masyado na rind aw luma
ang batas at dapat na itong amyendahan. Walang kasalanan si Celdran nais niya
lang ipabatid ang opinyon niya na saloobin din ng halos 90% Pilipino. Masyado rin
daw malupit ang simbahan.
Kung pagbabasehan ko ang mga ideyang
iyan, paniguradong pasok ako sa bilang ng mga Pilipino na nasa sampung
porsyento. Isa rin ako sa magsasabing hayaan natin ang hustisya na gumulong at
kung sinasabing dapat may makulong eh dapat may makulong.
Si Celdran ay katulad ni
Barabas. Siya ay nagkasala at dapat niya itong pagbayaran. Oo, napatawad na
siya ng simbahan subalit ang batas ay batas, dapat may managot ditto dahil kung
wala ay nakakatakot isipin na kalokohan lang ang lahat ng mga bagay.
Malinaw sa lahat ng mga balita
na si Celdran ang nanguna at naghimasok sa sagradong lugar para sa mga
Pilipino. Malinaw sa lahat ng mga balita na si Celdran ang unang sumigaw at
nambastos sa mga nananampalataya.
Hindi siya inimbita subalit
siya ang nanghimasok at sumira sa pagkakataon pati na rin sa sarili niya. Kahit
saan ko tignan eh nagkamali siya at dapat siyang maparusahan. Kung nais natin,
mapa-tama man yan o mali na magpahayag ng saloobin natin eh mayroong tamang
lugar at pagkakataon.
Lubhang luma na raw ang batas.
Bakit hindi natin ito binusisi at bakit hinintay muna natin na may maparusahan
bago tayo umapela. Isa ito sa mga nakakagalit na personalidad ng mga Pilipino. Puro
reaksyon imbis na dapat eh simula pa lang eh umaksyon na para itama kung ano
man ang mali. Kung meron mang mali eh dapat itong hinahanap at hindi
hinihintay.
Hindi tayo nagsalita dati
tungkol sa batas, bakit kung kelan mayroong ganito na isyu eh saka tayo
magre-react ukol dito.
Maaaring malupit ang simbahan,
lalo na kung nagse-sermon eto sa publiko at pati ako eh ikinasasama ng loob
ito, subalit ang simbahan na kinikilala ko eh hindi ako inimbitang puntahan
sila. Kusang loob akong pumunta sa kanila at sa pagkakataong ginawa ko ito ay
dapat tanggapin ko na ang pinaniniwalaan nila.
Ang paniniwala ng simbahan ay
gaya lang ng pagsali sa isang grupo. Kung ayaw mo ng pinaniniwalaan nito ay
umalis ka at tapatan ito sa tamang panahon, lugar at pagkakataon.
Maraming isyu sa kaso na ito
subalit sa nakikita ko, sa simula pa lang eh may pagkakamali nang ginawa si
Celdran. Hindi maitatama ng mali ang isang mali kaya kung siya ay hinatulan eh
dapat niya itong panagutan.
Dapat na alam natin at pinag-iisipan
ng mabuti lahat ng mga ikikilos natin. Dapat din ay handa tayong tanggapin kung
ano man ang magiging resulta nito.
Ito ang payo ko sa makabagong
mga tao. Huwag tayong padalos-dalos at intindihin natin kung ano ang dapat.
No comments:
Post a Comment