November 29, 2014

Trip

“Anong trip ‘yan?”
“Anong ‘trip’?”
“’Yan, ‘yang ginagawa mo. Anong trip yan?”
“Single trip. Haha. Pwede rin namang round trip kasi tumataba na ako.”
“Haha. Sira ka talaga! Pero seriously, bakit mag-isa ka lang?”
“Wala lang, trip ko lang. Haha!”
“Haha. Grabe, gaano katagal since last tayong nagkita?”
“Haha. I don’t know. I don’t remember. Ang naaalala ko na lang eh bata pa ako noon. Tapos isang araw eh nabigla na lang ako na wala na kayo!”
“Alam mo, napaka-vivid ng memory ko. I think it was 1996 or 1997 noong lumipat kami. That was March, katatapos ko lang ng Grade 2.”
“Grade 3 eh saan ka na nag-aral?”
“Doon na sa nilipatan namin. Alam mo, sobrang nakaka-miss ang barkadahan. Kasi doon sa amin eh wala na ako masyadong naging kaibigan. Meron ilan pero iba na ang trip nila eh. Nauso na kasi ang PlayStation at lahat ng bata noon eh sa loob na lang ng bahay. Ako na lang ata ang naglalaro sa labas.”
“Haha. Sabihin mo, mayaman lang talaga doon sa nilipatan niyo, sa atin kasi eh di uso ang gadget kaya laro talaga sa labas ang pinagkakaabalahan natin.”
“Barangay dos tayo no? Tignan mo, naaalala ko pa. Ang bahay natin mula sa labasan eh diretso, tapos kanan, tapos kaliwa.”
“Oo, haha. Ikaw na ang may vivid na memory.”
“Oo, naalala ko talaga ang mga bagay noon. Sa totoo lang eh parang ‘yung period nga na ‘yun na bata tayo ang mas naaalala ko kesa ‘yung noong lumipat kami.”
“Ako naman eh wala na masyadong naalala noon. Ang nag-stick na lang sa memory ko ay sobrang pili.”
“Ganoon naman daw kasi talaga, hindi mo na masyadong maaalala ang mga experiences mo noong bata ka. Pero sa akin eh hindi ganoon ang nangyari; mas naaalala ko talaga yung mga panahon na masaya tayong naglalaro.”
“Haha. Eh kasi lumipat kayo eh.”
“Bumabalik-balik ulit kami doon dati kaso everytime na pumupunta kami eh laging wala ka.”
“Haha. Hindi ko alam, naging busy na ata ako noon sa iskwela.”
“Haha, siguro. Sa Aurora ka nagtuloy?”
“Oo. Wala namang iba eh.”
“Ang alam ko eh mas ahead ka sa akin ng one year. Naging magkaklase lang tayo noong Nursery. ‘Yung sa teacher na nakakatakot. Haha.”
“Haha. Tita ko kaya ‘yun. Mas ahead ba ako?”
“Oo, 24 pa lang ako ngayon eh.”
“Ah. Ako naman eh 25.”
“Talaga, kelan ba birthday mo?”
“Two weeks ago. Haha.”
“Two weeks ago? Binati ba kita?”
“Haha. Hindi ko alam.”
“Parang binati kita. Check mo. Haha.”
“Haha, hindi, upon checking dito sa FB eh itong kumustahan na ‘yung last na conversation natin.”
“Haha. Hindi ba. Nakakakahiya, bakit ko pa ba tinanong. Haha.”
“Wala ‘yun. Actually sa FB eh hindi naka-broadcast ang birthday ko so ilan lang talaga ang bumati sa akin, ‘yung talagang nakakaalam lang at hindi masyadong busy sa mga sarili nila.”
“Sinu-sino nga ang mga naging kalaro pa natin noon?”
“Di ko na maalala eh. Haha. Basta noong umalis kayo eh kami-kami pa rin naman ang naging magbabarkada. Kami-kami pa rin ang nagpapapawis sa labasan.”
“Sa amin naman eh ako na lang ang batang naglalaro sa labas. Tapos ako pa ang nag-aaya ng siyesta, ‘yung pagtulog sa hapon. Kaya rin siguro tumangkad ako. Ang naalala ko noon eh mas matangkad ka dati pero ngayon eh mas matangkad na ako.”
 “Oo nga. Ang alam ko eh pandak ka dati pero ngayon eh mas mataas ka na sa akin.”
“Haha. Noong nasa Aurora naman ako eh nasa lower section ako dahil no choice, tita ko ‘yung adviser ko  at ayaw akong pakawalan. Haha.”
“Haha. Ako naman eh nasa special section.”
“Talaga? Bakit ka nasa special section? Genius ka pala. Haha.”
“Haha. Hindi naman. Mukha lang genius pero swerte lang talaga. Nag-test kami noon at swerteng nakapasa sa special section.”
“Tapos nag-Araullo ka rin? Ako naman eh doon na sa nilipatan namin nag-elementary at high school tapos diretso sa PUP.”
“Ako eh Araullo then Adamson. Ayoko na kasi lumayo sa Taft kaya doon na lang din ako pumasok.”
“Sa PUP eh nag-civil engineering ako. Nakakatawa ito. Alam ko kasi magaling ako sa Math. Parang minamani ko lang ang Math sa akin. So dapat ang kukunin ko eh Accountancy. Eh sobrang haba ng pila. Ang second choice ko eh Broadcast Comm, kaso dahil may isang building sila sa PUP ng Comm Arts eh yung pila para sa Broadcast Comm eh simula ground floor hanggang third floor. Noong nakita ko ang Civil Engineer eh walang pila, narinig ko lang na math-math din ang Civil kaya doon na lang ako nag-enroll. Sabi rin kasi nila eh pwedeng mag-enroll lang ako kahit saan then mag-shift na lang later on dahil ang importante eh yung makapasok ako sa limited slot. Pero noong nagtagal, natuwa na ako sa civil engineering kaya tinuloy ko na lang.
“Ako naman eh nakakatawa din. Dapat Nursing ako. Isa ako doon sa batch na after high school eh Nursing ang papasukin. Sabay lang sa trend. Kaso noong nakapila na kami eh nakita kong ang mahal ng tuition. So ikot-ikot, nakita ko na ang pinakamurang tuition eh Mass Comm. So doon na lang ako pumasok. Haha.”
“Haha. Grabe, 17 years. Almost two decades.”
“Haha. Oo nga. So kumusta naman ang buhay mo ngayon?”
“Eto, simple lang. Nagtatrabaho ako bilang isang engineer dito sa mga tren.”
“Ano specifically ang ginagawa mo?”
“Kami ang nagme-maintain ng train stations dito. Kailangan kasing laging chine-check ang railway system dito kasi madalas itong gamitin ng maraming tao, mass transport talaga.”
“Haha, unlike sa atin?”
“Oo. Sa atin kasi eh hindi naman tayo madalas atang nagme-maintain ng mga train.”
“Haha, hindi nga. Madalas nga ang balita ng sira na train sa atin eh.”
“Dito, kailangan laging maayos kasi maraming maapektuhan kapag hindi naging maayos.”
“Nakakainggit lang.”
“Ikaw naman, ano nang ginagawa mo? Bakit ka nagbabyahe mag-isa? Nagsusulat ka ba ng mga byahe mo?”
“Well, minsan, kapag naisipan ko lang. Every year talaga eh nagbabyahe ako sa local at international. Kumbaga eh parang gift ko na ito sa sarili ko. Nakarating na ako halos sa lahat ng Southeast Asian nations, pwera na lang ang Indonesia, Myanmar at Laos.”
“Ang tapang mo. Ako kasi eh kung hindi lang nagtrabaho dito eh hindi pa ako makakalabas ng bansa. At kung hindi lang malapit gaya ng Malaysia at Indonesia eh hindi ko rin ito mapupuntahan. Atsaka noong pumunta ako dito eh kasama ko pa ang mga pamangkin ko, para lang masabi na may kasama ako dahil pumasok ako dito, tulad ng maraming nandito na rin, bilang turista muna before nag-apply ng working visa.”
“Haha. Paanong matapang? Nagbabyahe naman kasi talaga ako.”
“I mean, hindi ka natatakot sa Immigration, etc. Iba kasi ang pagkakakilala ko sa iyo. Base sa nababasa ko sa Facebook posts mo eh parang nakikita kong maypagka-sikat ka rin naman, pero parang reserved ka at hindi risk-taker.”
“Haha, hindi naman talaga ako risk-taker. Sadya lang talagang gusto ko magbyahe.”
“Ako kasi eh hindi ko kaya mag-isang magbyahe. Parang social butterfly lang; gusto ko eh ‘yung lagi akong napapalibutan ng tao.”
“Ako naman eh okay lang ako mag-isa. Minsan sa mga byahe nga eh mas gusto ko ang mag-isa para less hassle at less ang iitindihin.”
“Kaya ko nasabing ang tapang mo. Actually akala ko eh kasama mo yung binabanggit mong kaibigan. ‘Yun pala eh imi-meet mo lang din siya dito.”
“Haha, ganoon talaga.”
“Hindi ka nagsama ng mga kaibigan.”
“Hindi eh, puro mga busy kasi sila.”
“Eto bang byahe mong ito eh naka-leave ka? Saan ka na pala nagtatrabaho?”
“Sa government ako, Communications Officer. Actually eh maraming trabaho akong naiwan pero tinakasan ko lang dahil nga dito sa yearly adventure ko.”
“Ah. Nakakatuwa talaga kasi ibang-iba ka mula sa nakikita ko sa FB. Nga pala, parang dumating yung time na nawala ka sa FB. Akala ko nga eh binura mo ako eh. Magtatampo na sana ako.”
“Haha, hindi. Nag-deactivate lang talaga ako. Pero bumabalik-balik din naman ako. Twitter at Multiply kasi talaga ang gamit ko.”
“Bakit ka umalis sa Facebook?”
“Wala lang. Hindi ko na lang kasi nagustuhan ang mga nakikita ko sa FB. Kaya na nga lang ako bumalik talaga ngayon eh nawala na kasi ang Multiply.”
“Ah. Lovelife?”
“Haha. Wala. Ikaw ba?”
“Actually eh kaka-break ko lang. Ayoko na muna. Na-realize ko kasing wala akong tumagal na relationship. Laging less than a year. Tapos bina-block pa ako, haha.”
“Ako rin naman eh walang tumagal ng one year. Pero hindi naman ako bina-block. Haha”
“Haha. Ang ibig kong sabihin eh gusto ko na ‘yung susunod eh ‘yun talagang makakasama ko nang mas matagal. Atsaka ayoko na muna kasi ang dami kong ginagawa at iniisip ngayon. Ang concentration ko eh career na muna, family at church.”
“Ah. Mukha namang okay na ang buhay mo dito ngayon eh. Kelan ka babalik sa atin?”
 “Sa totoo lang eh hindi ko alam. Dati sinabi kong two years lang ako dito pero sa bilis ng panahon eh tumagal na rin ako. Wala naman kasi akong gustong trabahong makukuha sa Pilipinas ngayon. Atsaka dito eh maganda ang swelduhan. Sa tatlong taong tinagal ko dito eh may investments na ako at nati-treat ko na ang sarili ko at mga kapamilya’t kaibigan ko.”
“Oo nga, ‘yun lang talaga. Dati eh naisip ko rin na magtrabaho dito. Pero ngayon eh hindi ko pa rin sigurado.”
“Maganda naman dito. Money wise eh malaki ang sweldo.”
“Haha. Hindi lang naman money o income ang kino-consider ko eh. Haha”
“Oo nga. Kunsabagay. Actually ako eh mag-iipon lang talaga pero babalik din ako sa atin. Ayoko ditong mag-retire.”
“Bakit? Maganda naman dito ah?”
“Oo nga. Maganda dito pero kung titignan mo siya ng maigi eh mare-realize mong walang buhay dito. Lahat ng tao eh ang iniisip lang eh trabaho. Kami nga eh lumalabas pa ng Malaysia para lang mag-enjoy kasi walang night life dito. Atsaka ang mahal pa ng mga bilihin. Ang superficial dito at hindi genuine ang happiness ng mga tao.”
“Kung sabagay. Pero ano ang timeline mo?”
“Siguro eh kaya ko pang tumanggap ng mga bagong kontrata. Pagdating ng 30s eh baka mag-settle down na ako. Ngayon eh talagang mag-iipon lang ako.”
“Oo nga. Sige, mag-ipon ka na nga lang muna bago ka bumalik sa atin.”
“Oo pero bago yan, teka nga, kanina pa tayo magkausap. Picture nga muna tayo.”
“Sige, eto ang selfie. Smile!”

"Men & Bry"




No comments:

Post a Comment