Minsang tinuran ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pinaniniwalaan kong matalinong bayani si Rizal pero sa pagkakataong binanggit niya ang mga kataga na yan ay napagtanto kong hindi sa lahat ng oras ay tama siya.
Para sa akin, ang pag-asa ng bayan ay nakasalalay sa kahit sinong taong marunong umunawa kung bakit nga ba natin kailangang umasa. Minsan, hindi iyon ang kabataan dahil sa impluwensiya ng makabagong panahon ay nakalulungkot isipin na ang ilang kabataan ay mapusok na at unti-unting nawawalan ng kwenta.
Hindi ko alam kung anong ihip ng hangin ang nagdala sa ganitong estado ng mga bata pero nakalulungkot na ang ilan sa kanila, kung papainan mo eh madaling bibigay.
Minsan iniisip ko na lang na sana mali ako at hindi pa tuluyang nawawalan ng malalim na pag-iisip ang mga kabataan ngayon.
Subalit kung tama ako eh sana magunaw na lang ang mundo nang tuluyang lamunin ng kamatayan ang lahat ng mga nilalang na walang kwentang nabubuhay dito.
***
Mahigit limang taon na ang nakaraan ng makilala ko ang isang guro na pinaniniwalaan ng lahat na isa sa pinakamagaling sa pamantasan na iyon. Subalit nang siya na ay nagsimulang magturo eh nabatid kong konti lang ang maiaambag niya sa kaalaman ko.
Sa pagkadismaya ko noon ay ipinangako ko sa sarili ko na gusto kong maging guro upang magkaroon pa ng pag-asa ang ilang patuloy na umaasang mapagkakalooban ng mahusay na edukasyon.
Ngayon ay napagtanto ko na sa pagtuturo ay dalawang aspeto ang dapat laging isaalang-alang: ang nagtuturo at ang tinuturuan.
Kahit gaano kagaling ang nagtuturo, kung ayaw tanggapin ng tinuturuan ang aral eh wala pa ring mangyayari.
Nasasaktan ako dahil sayang ang pagkakataong nakakapag-aral ang mga tao na ang tanging iniisip ay kung paano lang makakatapos ng may mataas na marka. Hindi nila naiisip na ang tunay na batayan ng aral na nakamit ay wala sa marka kundi nasa pag-iisip nila na maging malalim at makita ang bawat anggulo sa buhay.
Malamang, eto rin ang dahilan kung bakit maraming nakakapag-tapos na hirap makahanap ng trabaho.
Naiintindihan ko na ngayon na hindi dapat sa lahat ng pagkakataon ay sinisisi natin ang gobyerno; dapat ay inaalala rin natin kung may kwenta pa nga ba tayo.
No comments:
Post a Comment